Noong bata ako hindi ko maintindihan ang tatay ko kung bakit kapag may problema sya ay idinadaan nya sa pag-inom ang lahat. Palagi rin nitong sinasabi na “Lahat ng problema ay nadadaan sa alak”. Hindi ko maintindihan ang ibig nyang sabihin hanggang sa dumating ako sa edad na tanging pag-inom nalang ang paraan ko upang makatakas ako sa lahat ng problema.
Masaya? Mag-inom.
Malungkot? Mag-inom.
Galit at dismayado? Mag-inom.
Hanggang sa matuto akong humawak ng sigarilyo. Bawat hipak mo, peace of mind ang kapalit. Para bang humihinto ang lahat ng boses sa utak ko kapag may hawak akong sigarilyo. Hindi ko alintana lahat ng sakit na maari kong makuha sa mga bagay na ginagawa ko, eh dito gumagaan ang loob ko eh.
Pero mayroon talagang mga bagay na hindi kayang solusyunan ng bisyo. Mga bagay na kahit anong lunod mo sa sarili mo, hindi mo maiwasang hindi isipin. Na kahit ilang sigarilyo pa ang sindihan mo, hindi mo makuha ang kapayapaang gusto mo.
Bilang isang taong bisyo ang paraan sa pagtakas sa problema, madalas kong tanungin ito sa sarili ko — “Paano kung sawa na ako sa bisyo, paano ko maisasalba ang sarili ko?”